Tuesday, January 3, 2012

Young actor na si Tyron Perez, natagpuang patay sa Valenzuela

Natagpuang patay sa loob ng isang sasakyan ang aktor na si Tyron Perez nitong Huwebes ng gabi sa Valenzuela City, ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP).

Sa artikulo ni Karen A. Pagsolingan, na lumabas sa PEP nitong Huwebes ng gabi, sinabing unang kumakalat ang balita tungkol sa pagpanaw ng aktor sa Internet.

Ayon umano sa blogger na si Lloydy Gaga, natagpuan ang aktor na wala nang buhay sa isang "abandoned car sa Valenzuela."

Wala pang gaanong detalye pero ang anggulong "suicide" umano ang dahilan.

Kasalukuyan nang nangangalap ng iba pang impormasyon ang PEP.ph tungkol sa nangyaring insidente, ayon sa ulat.

Sa hiwalay na tweet naman ng GMA News reporter na si Mark Salazar, sinabi nito na: “Young actor Tyrone Perez committed suicide."

Mabilis na kumalat sa Twitter ang nangyari sa aktor at nanguna ito sa trending topic.

Si Tyron, 26-anyos, tubong Tarlac, ay produkto ng reality based talent search ng GMA 7 na StarStruck noong 2003.

Pagkaraan ng ilang taon ay lumipat siya ibang television network.

Sumabak sa matured role si Tyron sa pelikulang Twilight Dancers noong 2006 kung saan gumanap siya sa role ng isang macho dancer.

May tama ng bala ng baril sa sentido

Sa ulat ng GMA News reporter JP Soriano para sa Saksi nitong Huwebes ng gabi, sinabing nakita ang bangkay ni Tyron sa loob ng isang nakaparadang kotse sa service road sa Brgy Ugong sa Valenzuela dakong 7:00 p.m.

Sa panayam kay Senior Inspector Arthur Quinones ng Valenzuela City police, nakitaan umano ng mga imbestigador ng Scene of the Crime Operative (SOCO) ng isang tama ng bala sa kanang sintido si Tyron.

Isang baril at basyo ng bala ang nakita rin umano sa loob ng sasakyan.

Hindi pa malinaw ang buong detalye sa pagkamatay ng aktor pero batay sa impormasyon na ibinigay sa pulisya ng kaibigan ni Tyron na si Alvin Salazar, may balak daw itong magpakamatay.

Matapos umanong makausap ni Tyron ang misis nito sa telepono, sinabi ng aktor sa misis ni Alvin ang kanyang planong magpakamatay.

Idinagdag pa nito na wala naman daw silang nakitang kakaiba sa ikinikilos ng aktor sa mga nakaraang araw.

Tahimik at mabait din umano si Tyron at wala silang alam na kaaway o problema nito.

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/243049/showbiz/chikaminute/report-young-actor-na-si-tyron-perez-natagpuang-patay-sa-valenzuela

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright © 2011. Pinoy Celebrity Talk . All Rights Reserved
Pinoy Celebrity Talk | Design by Herdiansyah . Published by Borneo Templates