Tuesday, January 3, 2012

Huling hininga ni Tyron Perez, narinig ng asawa sa telepono

Labis ang pagdadalamhati ng misis ni Tyron Perez sa hinihinalang kaso ng pagpapatiwakal ng aktor sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.

Sa panayam ni GMA News reporter Cata Tibayan, ikinuwento ni Liv Espino-Perez, asawa ni Tyron, na kausap niya sa telepono ang mister nang ipaalam nito ang gagawing pagpapakamatay.

“Magpapakamatay na 'ko. Parang ako naman knowing him parang feeling ko hindi naman. ‘Gusto mong marinig,’ sabi niya. Yun narinig ko parang nahulog na malaking bagay tapos nahulog yung phone niya. Narinig ko yung last breath niya parang nag-struggle," malungkot na kwento ni Liv sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes.

Sa loob ng apat na taon nang pagiging mag-asawa, mahirap umano para sa 28-anyos na si Liv na maaga siyang iniwan ni Tyron, 26-anyos.

Nitong Huwebes ng gabi, nakita si Tyron sa loob ng nakaparada niyang sasakyan na Toyota Altis sa Brgy Ugong, Valenzuela na wala ng buhay.

May isang tama ng bala sa ulo si Tyron na pinapaniwalaang nagmula sa cal. 22 na nakita rin sa loob ng sasakyan.

Sa hiwalay na ulat ni GMA News reporter Ian Cruz, sinabi ni Police Sr. Insp. Arthur Quinones, investigation chief ng Valenzuela police, na hindi pa niya puwedeng ideklarang suicide ang nangyari kay Tyron.

“Sa ngayon po hindi ko masasabing suicide ‘yan dahil kasalukuyan pa kaming nag-iimbestiga. Yung mga na-recover naming material evidence dun, pinadala namin sa crime lab for examination," paliwanag ng opisyal.

Isinailalim din sa paraffin test ang mga kamay ni Tyron para malaman kung nagpaputok nga ito ng baril.

Batay naman sa sinumpaang salaysay ng mga kaibigan ng aktor, lumitaw na may problema sa pamilya at pera ang aktor.

Nagkaroon din umano ng utang sa casino si Tyron at naisangla ang kotseng Toyota. Gayunman, natubos ito kamakailan sa tulong ng kaibigan.

Pansamantalang tumutuloy si Tyron sa bahay ng isang kaibigan sa Valenzuela nang mangyari ang trahedya. Bagaman kilalang masayahin si Tyron, malungkot umano ito nang umalis noong Huwebes ng umaga.

Hindi naman malaman ni Liv kung papaano babangon sa trahedya ngayong wala na ang kanyang mister. Balak pa naman umano nilang magsimula ng buhay sa pagpasok ng 2012.

Patuloy naman dating ng mga kamag-anak at kaibigan ni Tyron sa Loyola Memorial Park sa Paranaque kung saan nakalagak ang kanyang mga labi.

Kabilang sa mga nagtungo sa burol ng aktor ay kanyang mga nakasama sa Starstruck na sina Nadine Samonte, Jade Lopez ay Yazmin Kurdi.

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/243140/showbiz/chikaminute/huling-hininga-ni-tyron-perez-narinig-ng-asawa-sa-telepono

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright © 2011. Pinoy Celebrity Talk . All Rights Reserved
Pinoy Celebrity Talk | Design by Herdiansyah . Published by Borneo Templates