Sunday, December 11, 2011

Ogie Alcasid says he has no plans to run for public office

Isa sa mga naging judge si Ogie Alcasid ng VSR (Voices, Songs, & Rhythms) grand finals nuong Disyembre 7.

Isa itong singing contest na binuo ni Batangas Governor Vilma Santos noong Mayor siya ng Lipa City, na ngayon ay isa na sa mga highlights ng taunang Ala Eh Festival na ginaganap tuwing foundation day ng lalawigan.

Habang nasa holding area si Ogie kasama ang iba pang celebrities sa munisipyo ng Calaca na siyang host town ng nabanggit na event for this year, nagkaroon ng chance ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na makakuwentuhan siya.

Tungkol sa kapapanganak pa lang na baby nila ni Regine Velasquez ang unang naging paksa ng usapan.

"Gano'n pa rin...puyatan pa rin lagi siyempre," natatawang kuwento ni Ogie. "Dahil...halos four times gumigising 'yong bata kapag madaling araw.

"E since nagtatrabaho ako, sasabihin ni misis [Regine]...sige matulog ka muna.

"Oo. Full-time mom si Regine.

"May nurse lang kami ngayon kasi caesarian si Regine, e. Pero siyempre, habambuhay na naming gagampanan 'yong pagiging hands-on sa bata.

"Nag-one month na 'yong baby namin nitong December 8. Nakakatawa 'yong iyak niya.

"Malambing kasi 'yong iyak niya. Hindi 'yong iyak na nakakainis, e."

Iyak din ba ng isang future singer?

"Oo, e. Dahil 'yong dulo mataas, e. Mataas 'yong pitch."

Totoo bang pila na ang mga nag-aalok ng possible endorsements para sa baby nila ni Regine?

"E...meron. Pero hindi pa namin kinakausap dahil mas mahalaga munang...siyempre hindi pa nababakunahan nang todo. One month pa lang, e."

CHRISTENING. Kailan ang binyag?

"A...hindi pa namin alam. Siguro January o February.

"Mga magiging ninong at ninang? Wala pa kaming nakakausap, e."

Ano naman 'yong mga nakikita niyang medyo nahihirapan si Regine bilang nanay ng baby nila?

"Uhm...siyempre first time Mom siya 'no? Hindi naman kami teenagers. So...medyo may adjustment nang konti.

"Pero siya, full-time siyang mag-breast feed. So malaking bagay iyon na breast feeding siya all the way.
"Ang laki na ng ipinayat niya.

"Tapos nagyu-yoga siya ngayon.

"So...medyo hirap din. Kasi alam mo naman kapag baby pa, iku-consume ka ng baby, 'no? Kapag nanay ka."

How will they spend Christmas?

"Sa bahay lang kami.

"Although December 22 is our anniversary. So...dito lang kami sa Batangas for a few days. Taga-Taal ako."

First time magse-celebrate ng Christmas si Ogie at Regine with their newborn son. Ano ang mga paghahandang ginagawa nila kaugnay ng palapit na holiday season?

"A...maraming reunion with our relatives. And 'yong bahay namin siyempre, iba na ang motif.

"Hindi tulad noon na Pasko lang. Ngayon may Teddy bears.

"Siyempre may baby na, e. So...you have to cater to...kung ano na ang pamilya mo.

"Ang kulang na lang, e...kailangan naming gawing baby-friendly na 'yong bahay. Kasi medyo...maraming hagdanan 'yong bahay, e."

POST-CHRISTMAS IN AUSTRALIA. Kumusta naman 'yong magiging Pasko niya para sa mga anak niya sa ex-wife niyang si Michelle Van Eimeren?

"A... sa Australia ? Same. Same.

"I will be there January. I'll be leaving Januray 2. First week of January nasa Australia na ako."

Excited na ba ang mga anak niya kay Michelle na makita ang kanilang baby brother na anak naman nila ni Regine?

"Siyempre. Siyempre.

"Pero next year pa siguro sila magkikita. I think we'll see each other in another country next year. Magkikita-kita kami.

"Kasi 45 na ako next year. Wish ko naman na magkita-kita kami. 'Yong kami na family lang. With my kids.

"Siyempre brother nila 'yon, e. So I'd like them to be able to bond, you know. And, ah...siyempre gusto ko ring lumaki 'yong bunso ko na may kinikilala siyang Ate. Di ba?"

Ogie looks younger than his real age of 45.
Natawa ulit si Ogie bago nakapagbigay ng reaksiyon.

"Siyempre si Regine is a big part of that, 'no? But it's also...I think because, a... siguro 'yong outlook ko rin sa buhay.

"Masayahin ako. Wala akong dinadalang...alam mo, 'yong nakakatulog ka ng mahimbing?

"Blessing iyon, e. Kasi maraming tao na...itutulog mo lang, hirap ka. Kasi ang dami mong iniisip.

"I think in my case and in my family's case, iyon lagi ang ipinagdadasal ko. Na...laging maayos ang katayuan ng buhay nila.

"Kasi very basic iyon. Hindi bale 'yong kung anumang problemang dumating sa buhay nila, e...kumabaga nakakayanan nila. Iyon ang laging dasal ko.

"And I think God has always been answering our prayers. And he will answer your prayers too, for sure."

CHRISTMAS WISHES. Ano ang wish niya ngayong Pasko?

"Sa akin? Sa sarili? Ako, ano...good health sa parents ko, at sa mga magulang ni Regine.

"At siyempre sa mga mahal ko sa buhay, sa mga anak ko, 'yong family ko. Na...patuloy kaming maging maligaya. Tahimik.

"Iba iyon, e. Walang kapalit 'yon.

"It's really....Ang sarap ng feeling na...kasama mo 'yong pamilya mo.

"At...alam mo 'yon? Sa Pasko, e...magkakasama lang kayo. Walang kapalit iyon."

Si Regine kaya, may wish list din ngayong Christmas?

"Hindi ko alam, e.

"Alam mo si Regine kasi...gising, tulog, gising, tulog.

"Baby talaga ang inaatupag.

"So it's...mahirap. Minsan nakakapag-text lang 'yan. Ngayon nagtu-Twitter na lang siya. Iyon na lang ang libangan niya.

"And sabi ko, 'Honey, medyo for the first few months, ganyan talaga.'

"So, inaalalayan ko naman. In as much as I can, 'no?"

SONG FOR HIS SON. No'ng nag-guest siya sa Startalk bago nanganak si Regine, kinanta niya ang isang parte ng komposisyon para sa baby nila ni Regine. Natapos na ba niya ito?

"Nabuo ko na. Actually kinanta ko na sa Party Pilipinas. Ang title niya, "Aking Anak."

"No'ng nanganak si Regine, a week after, kinanta ko na iyon."

What's the best line in the song?

"Ah... 'yong chorus."

At pagkatapos ay inawit nga niya ang chorus...

"Aking anak, aking anak, habang buhay kitang aalagaan. Ika'y bigay ng Maykapal..."

May bagong song din ba siyang naiisip na i-compose for Regine na ngayon ay ina na nga ng bunsong anak niya? O di kaya ay para sa nalalapit na anniversary nila?

"Baka naubusan na ako!" sabay tawa niya.

Ogie believes there's a "musical chain in his son." His daughters are also musically inclined.

"Like 'yong panganay ko, ang hilig...magpabili ng gitara. So medyo tini-train ko siya roon.

"'Yong pangalawa kong anak ang ganda rin ng boses. Hindi malayo na 'yong bunso [anak nila ni Regine], gano'n din.

"Alam mo sa pamilya namin, music plays a very big role. Sa lahat ng okasyon e, talaga iyon na ang nagbubuklod sa amin.

"My mom sings. And my dad sings also. But he is more of an instrumentalist."

STICKING TO SHOWBIZ. Muling natawa si Ogie nang matanong kung totoo bang may plano siyang tumakbo bilang mayor ng Taal, Batangas?

"A... hindi. Wala po akong hilig diyan."

Hindi talaga siya magkakainteres pumasok sa politika?

"Eto 'yong totoo...mas gusto kong mag-artista!" sabay tawa ni Ogie.

Maraming artista ang napapag-sabay ang showbiz at politics, di ba?

"Hindi po, e. Buti kung...sa akin, ha...marami na rin akong ginagawa.

"Singer ako. Artista pa ako. And then may mga advocacies pa ako.

"Hindi ko na alam kung saan ko ilalagay ang sarili ko.

"May pamilya pa ako. Kaya hindi ko alam kung saan ko isisiksik ang oras ko.

"So ano lang ako...suporta lang ako...dyan kay Ate Vi.

"Actually, very active ako rito sa Batangas. Kasi, 'yong hometown ko, 'yong Taal tinutulungan ko na dumami 'yong... sa tourism.

"Ngayon dumarami na. Nauuso ngayon 'yong nagli-lease sila ng mga bahay sa Taal pagkatapos e, puwedeng mag-bed and breakfast.

"Tapos kung napapansin ninyo, ang dami nang nagsu-shooting doon.

"Kagaya no'ng kay Ate Guy [Sa Ngalan Ng Ina mini series ng TV 5]. Madalas na ang mga nagsu-shooting doon.

"Nakakatuwa kasi it's a very quiet town. E, siyempre town namin iyon, so we're very very proud of Taal."

Sa pamilya nila 'yong Rural Bank of Taal, di ba?

"Sa nanay ko," medyo natawa ulit na sagot ni Ogie.

And since they own a bank nga in Taal, sinasabing isa sila sa pinakamayamang pamilya sa nabanggit na bayan.

"Hindi naman!" tuluyang napahalakhak ang actor-singer and song writer.

"Ano po kasi iyan, 'yong bangko po namin, a...ang nagpundar po noon, 'yong lola ko. And ipinagpatuloy lang ng mommy ko.

"So...it's a small bank...we cater to the farmers. We cater to the...sa mga tagaroon lang.

"Minsan umuutang din ako!" pabiro niyang sabi.

"Maliit lang siya na rural bank."

"Mommy ko ang taga-Taal. Sa Calamba, Laguna talaga ang mga Alcasid. But my father grew up in Lemery which is the next town.

"'Yong Taal at Lemery, ang pagitan niya ay isang tulay lang, e.

"Do'n sila nagligawan.
"Kasi pareho sila ng pangalan, e. 'Yong tatay ko ang pangalan niya... Herminio.

"Ang pangalan naman ng nanay ko...Herminia.

"So...Herminio Jr. ako.

"Bihira akong umuwi sa Taal. Kapag fiesta lang o kapag naimbita.

"Kasi kami [ni Regine] naman, sa Nasugbu kami. Dahil doon kami ikinasal. May konti kaming lugar doon."

Mga ilang buwan pa kaya bago maging active ulit si Regine sa kanyang career?

"Meron kaming concert. Sa February 14 [next year] sa Araneta Coliseum. Ang title...Mr. & Mrs. A. So...abangan ninyo iyon."

Pagkatapos ng concert, ano ang ibang plano ni Regine sa kanyang career?

"Hindi ko alam, e. Wala pa siyang sinasabi sa akin, e.

"Pero 'yong concert namin ang una niyang gagawin."

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/241319/showbiz/ogie-alcasid-says-he-has-no-plans-to-run-for-public-office

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright © 2011. Pinoy Celebrity Talk . All Rights Reserved
Pinoy Celebrity Talk | Design by Herdiansyah . Published by Borneo Templates