Personal na nagdala ng tulong sa mga sinalanta ng bagyong “Sendong" sa Cagayan de Oro ang tinaguriang ‘pambansang kamao’ ng bansa na si Sarangani Rep Manny Pacquiao.
Sa ulat ni Jacky Cabatuan, ng GMA News -Cagayan de Oro, sa GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing kasama ni Pacquiao na bumisita sa mga biktima ng bagyo ang misis nitong si Jinkee at si Ilocos Sur Gov Luis “Chavit" Singson.
Pinagkaguluhan doon ng mga tao si Pacquiao at pinasalamatan sa dala niyang tulong gaya ng mga tubig, bigas at pati na kumot.
Nagbigay din siya P1 milyon donasyon, habang P250,000 naman ang ibinigay ni Singson.
Bago magtungo sa lugar kung saan ginawa ang relief operation, dumaan muna si Pacquiao at nakipagkita kay Bishop Antonio Ledesma sa Bishops’ Palace.
Pinayuhan naman ni Pacquiao ang mga sinalanta ng bagyo na huwag mawalan ng pag-asa at laging humingi ng gabay sa Diyos.
Samantala, sinabi sa ulat na sa kabila ng naganap na trahediya sa Cagayan de Oro, ilang naninirahan sa evacuation area ang naglalagay ng dekorasyon na indikasyon na buhay pa rin ang diwa ng Pasko sakabila ng kinakaharap nilang sitwasyon.
Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/242571/showbiz/chikaminute/pacquiao-nagbigay-ng-tulong-at-mensahe-sa-mga-biktima-ni-sendong
0 comments:
Post a Comment