Friday, December 23, 2011

Sen Bong Revilla, nag-LRT ‘tour’ para i-promote ang Panday 2

Mistulang nag-tour sa LRT si Sen Ramon “Bong" Revilla Jr, kasama ang ilang cast ng film fest movie na Panday 2 upang i-promote ang naturang pelikula.

Sa ulat ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabi nito na unang sumakay ang grupo ni Sen Bong sa Roosevelt/Munoz Station ng LRT.

Kasama ng senador sa kanyang paglalakbay sina Philip Salvador, Benjie Paras at Alden Richard, na pawang kasali sa Panday 2. Ito ang entry GMA Films at Imus Production sa 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood simula sa Disyembre 25.

Pagsapit sa Blumentritt station sa Maynila, bumaba ang grupo ni Sen Bong na ikinagulat ng napakaraming tao. Doon ay namigay sila ng mga t-shirt at nag-imbita na panoorin ang mas pinalaking Panday 2.

“Hindi na ‘ko makapagbigay ng mahabang mensahe, short lang, bati lang ako ng maligayang Pasko. Kasi ayoko ring mag-cause ng trapik, talagang whistle stop lang," paliwanag ng senador sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes.

Pagkatapos makapag-imbita sa Blumentritt station, muling sumakay ng LRT ang grupo ni Sen Bong at muli silang bumaba sa Carriedo Station kung saan dinumog din sila ng mga tao.

Masaya si Philip sa ginawa nilang pag-iikot dahil tinatawag siya ng mga tao sa kanyang karakter sa Panday na si Lizardo.

Inimbitahan din ni Sen Bong ang mga tao na manood ang Parade Of The Stars sa Sabado kung saan makikita ang iba pang artista na kasali rin sa MMFF.

Nasa cast din ng Panday 2 sina Marian Rivera, Iza Calzado, Kris Bernal, Eddie Garcia at Lorna Tolentino.

Source: http://www.gmanetwork.com/news/story/242582/showbiz/chikaminute/sen-bong-revilla-nag-lrt-tour-para-i-promote-ang-panday-2

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright © 2011. Pinoy Celebrity Talk . All Rights Reserved
Pinoy Celebrity Talk | Design by Herdiansyah . Published by Borneo Templates